Ang Pag-angat ng P-Pop

FJ Deguilmo

March 10, 2021

Sa pagsikat ng mga banyagang musika kagaya ng K-Pop, J-Pop, at Western music, may panibagong genre ng musikang Pinoy na unti-unting umuusbong at lumilikha ng pangalan hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa ibang bansa.

Tinatawag itong P-Pop, isang brand ng Original Pilipino Music (OPM) na may pagkakahawig sa mga idol groups mula sa Korea. Kagaya ng mga K-Pop groups, ang mga P-Pop idols ay hinahasa sa larangan ng pag-awit, pagsayaw, at pagtatanghal upang maghatid ng kaligayahan sa mga tagapakinig at tagasubaybay nito. 

Isa sa mga grupong ito ang SB19, limang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng bansa na nagbabakasakaling magtagumpay at maabot ang kanilang mga pangarap. Sila ang kauna-unahang Pinoy group na sinanay ng isang Korean entertainment company upang maging isang idol group sa bansa.

“Nagsimula kaming katulad nila na nangangarap lang. Pero po dahil sa paghihirap namin, unti-unti na po naming nararating ’yun,” ayon kay Stell, isa sa mga miyembro ng grupo.

Matapos ang apat na taong pagpupursigi, tila nagbubunga na ang kanilang mga sakriskipisyo at hindi na mapigilan ang unti-unti nilang pag-angat. Kamakailan lang, ang SB19 ang kauna-unahang Filipino group na napabilang sa “Billboard’s Next Big Sound.” Sila rin ang unang Southeast Asian act na nakasama sa top 10 ng “Billboard Social 50.”

Dahil sa tagumpay ng SB19, unti-unting umusbong ang Korean-inspired P-Pop music sa bansa. Kapansin-pansin ito sa pagdami ng iba pang idol groups na nagsisilabasan at nakikipagsapalaran sa mundo ng musika.

Ebolusyon ng P-Pop

Hindi lang noong 2020 nagsimula ang Pinoy Pop. Nagmula ito sa mas malaking musical genre na kung tawagin ay OPM. 

Mula sa malumanay na tugtugin ng mga kundiman, nauso ang mga English at Filipino love songs. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng disco music na sinundan ng Pinoy rap at Pinoy rock. Para sa ilan, ito ang kino-consider nilang “golden era” ng OPM.

Noong Dekada ’70, nakilala ang Pilipinas sa larangan ng musika noong may kantang lumabas sa “American Top 40” sa gitna ng kasikatan ng Western rock. Kakaiba ito noon dahil sa madamdaming lyrics at malumanay nitong tono. Kalaunan, dumami na ang mga artist na nag-release ng ganung uri ng mga kanta. 

Ito ang pinag-ugatan ng tinatawag natin ngayong “Pinoy Pop” o “P-Pop.” 

Ngayon, samu’t-sari na ang klase ng mga awiting naririnig natin mula sa kapwa natin Pilipino. Dahil mas nagkaroon tayo ng access sa musika ng ibang bansa, dumami ang mga influences sa mga tugtuging ginagawa ng mga Pinoy artists at songwriters.

Mga Kritisismo at Balakid sa Paglikha

Kaakibat ng pag-usbong ng P-Pop ay ang pagbuhos ng suporta mula sa ilang mga Pinoy fans. Subalit hindi rin maikakaila ang pagdagsa ng mga kritiko na pumupuna sa itsura, tunog, at konsepto ng mga Pinoy idol groups.

Marahil ay nakarinig ka na ng ilang mga tao na nagsasabing:

“Buti pa noong ganitong era, mas maayos ang mga kanta . . .”

“Buti pa ang ganitong banda, mas may sense . . .”

“Naku, gaya-gaya na naman ang Pinoy . . .”

Ilan din sa mga puna ay ang kawalan daw ng originality, ang pagiging baduy, at iba pang racist comments na ginagawang katatawanan ang mga bagong artists na sinusubukang abutin ang mga pangarap nila. Talamak ito lalo na sa panahon ngayon. 

Sa Korea, malaki ang ambag ng diwang nasyonalismo sa pag-unlad ng kanilang entertainment industry. Dahil sa suporta ng gobyerno at pagtangkilik ng mga Koreano sa sarili nilang kultura, naiangat nito sa pandaigdigang entablado ang kanilang industriya. Sa ngayon, namamayagpag sa mundo ang mga K-Drama, K-Pop, at maging ang kanilang mga pagkain at Korean skin care. 

Nawa ay magsilbing aral ito sa ating mga Pilipino. Sa pag-usbong ng iba’t ibang uri ng sining at musika, sino pa nga ba ang unang dapat magbigay ng suporta at parangal kundi tayo rin?

Hindi ito nangangahulugang hindi na tayo pwedeng manood o tumangkilik ng foreign music and movies; hindi rin ito nangangahulugan na hindi na tayo maaaring magbigay ng kritisismo para sa ikauunlad ng industriyang Pilipino. 

Nangangahulugan lang ito na kailangan pa nating iangat ang bilib natin sa kapwa Pilipino at magbigay ng suporta para umunlad din sila. Ang pag-unlad nila sa mundo ay pag-unlad din ng lahing Pilipino. Ikampanya natin ang local music scene. #SupportLocal, ika nga nila.

Kung ikaw naman ay may talento sa pagsulat ng kanta, mangarap ka at huwag mong sukuan ang pangarap mo. Siguro dahil din sa mga naririnig mo, nag-aalinlangan ka nang gumawa ng sarili mong mga kanta.

Ngunit bibihira ang isang kagaya mong mayroong mensahe at kayang sumulat ng himig at letra.

May mga bagay kang napapansin sa lipunan na bihira lang makita ng iba. Sa loob ng puso mo ay may malakas na kabog na gustong kumawala. Mayroon kang matinding pangarap na gusto mong tuparin. Mayroon kang mensahe na maaaring ihain para sa buong mundo, kahit ano pang tono o lenggwahe pa man ’yan.

Hindi Lang “Para Sumikat”

Kung papanoorin mo ang ilang interview ng mga naging tanyag na singer at banda mula noon hanggang ngayon, ilan ang mga ito sa karaniwan nilang sagot sa tanong kung bakit sila nagsimula:

“To be able to create something . . . It’s just enough to make people sit up and listen.” Buddy Zabala, Eraserheads

Mula sa school grounds ng UP, hindi inakala ng apat na college students na sina Ely, Marcus, Raimund, at Buddy na dadalhin pala sila sa alapaap ng mga orihinal na kanta na kanilang isinulat para mapakinggan at ma-enjoy ng masa. 

“We want to be one of those beacons of hope through music especially in these times.” —Paolo Guico, Ben&Ben

Dalawang magkapatid ang nagdesisyong itaya ang lahat para sa mensahe ng pag-ibig, pag-asa, at pagkakaisa. Ngayon, milyun-milyon na ang nakarinig ng nais nilang ipahiwatig.

Sadyang makapangyarihan ang musika. Hindi lamang aliw ang dulot nito; may kakayahan din itong lumikha ng pagbabago sa lipunan.

Sabi nga ni Sarah Dessen, isang Amerikanong manunulat, “Music is the great uniter. An incredible force. Something that people who differ on everything and anything else can have in common.”

Sadyang totoo ito. Sa Pilipinas, malaki ang papel na ginampanan ng musika noong panahon ng rebolusyon. May ilang mga awitin na naging tanyag sa kabataan dahil isinasadula nito ang kanilang tunay na nararamdaman noong panahong iyon na nagbunga ng pagbabago.

Ang musika ay higit pa sa “pagpapahayag ng damdamin.” Ito ay may kakayahang bumuo ng malaking pagkilos, magturo ng mga bagong ideolohiya, at maghudyat ng pagbabago sa isang kultura.

Kung ang kagaya mong nais sumulat at gumawa ng kanta ay may kakayahang lumikha ng pagbabago sa lipunan, anong uri ng awitin ang nais mong gawin?

 

 

186 Shares

The Author

FJ Deguilmo

FJ is a campus missionary from Imus. He got his first name (Ferum James) from the scientific name for Iron. He once thought of being a comedy writer, but he decided to take life more seriously.

VIEW OTHER POSTS BY THE AUTHOR