June 12, 2018
Bago ko nakilala ang Panginoon, naaalala ko na isa ako sa mga taong makikita mong nakikipaglaban sa kalsada—sa Mendiola, sa harap ng Commission on Higher Education (CHED), sa Sandiganbayan, o sa US Embassy.
Iba’t iba ang dahilan ng aking pakikibaka—mula sa pagtaas ng tuition fee hanggang sa karapatan ng bawat manggagawa; lahat ng ito ay para sa bayan.
Wala akong kakayahang bilangin kung ilan ang mga paang nagmartsa sa Mendiola upang makipaglaban. Hindi ko rin mabilang kung ilan ang mga paang naglakad sa EDSA upang iparinig ang kanilang mga tinig. Hindi ko rin alam kung ilang buhay ang kinailangang isakripisyo upang ipaglaban ang ating kalayaan at mga karapatan.
Noong ika-12 ng Hunyo 1898, 120 taon na ang nakalipas, iwagayway ang bandila sa tahanan ni Emilio Aguinaldo upang ideklara na ang Pilipinas ay malaya na mula sa mga Español. Laksa-laksang dugo ang umagos upang marating ang pagkakataong ito.
Maaring nakamit na natin ang kalayaan at kasarinlan, ngunit maaring para sa ilan, ang kalayaan at pagkamit ng kanilang mga karapatan ay isa pa ring mailap na pangarap.
Karapatan nating mabuhay katulad ng karapatan nating maging malaya. Dumanak ang dugo para sa paglaya na hanggang ngayo’y ipinaglalaban pa rin natin. Iwinagayway ang bandila bilang pagdeklara ng kalayaang inaasam makamtan ng marami pa.
Kinailangan kong makibaka noon dahil ang gusto ko ay hindi kakarampot na kalayaan lamang. Kung may maidadagdag man sa dugo ng mga bayaning dumanak sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, handa akong mapabilang sa kanila. Gusto ko na malaya tayong makipagtalastasan. Gusto kong malaman ng lahat ang ating kasarinlan. Gusto kong magkaroon ng gobyernong uunahin ang karapatan ng bawat isang mamamayan.
Subalit, nang mapagod akong lumaban para sa lahat ng ito, doon ko natuklasan ang kalayaang tunay na magpapalaya sa lahat.
Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas noong ipinako sa krus si Jesus. Doon sa isang burol, iwinagayway Niya at idineklara ang kalayaan; hindi gamit ang isang watawat kundi ang Kanyang katawan. Dumanak ang dugo para sabihing ang laban ay tapos na.
Ito pala ang tunay na kalayaan.
Karapatan kong malaman ang kalayaang ito. Kaya matapos ang dalawang libong taon, gumawa Siya ng paraan para malaman ko ito. Hindi ko na mabilang kung ilang tao ang dumaan sa buhay ko upang malaman ko ang tunay na kalayaang ito.
Pinalaya Niya ako mula sa kasalanan at sa kamatayan. Pinalaya Niya ako mula sa mga makasarili kong kagustuhan. Pinalaya Niya ako sa paikot-ikot kong pagtahak sa madilim na daan. Pinalaya Niya ako sa paghabol sa mga bagay na panandalian lamang. Pinalaya Niya ako mula sa paniniwala na ang kalayaan ay kailangang pagtrabahunan ng aking mga kamay.
Hindi ko na mabilang kung ilang tao ang nakararanas ng tunay na kalayaang ito.
Ngunit, hanggang ngayon, marami pa rin ang nakikipaglaban para sa kanilang kalayaan at karapatan.
Karapatan din nilang malaman ang tunay at ganap na kalayaang dala ni Hesus. At tayo ang gagamitin Niya upang ipabatid ang kalayaang ito, at upang patuloy na ipaglaban ang kalayaan at karapatan ng bawat isa—sa pagtulong man sa kapwa, sa pagdarasal, at sa paninindigan para sa tama.
Maniwala tayo na maging ang mga paa na may dala ng Magandang Balita ay hindi na kaya pang bilangin. Hindi mo na mabibilang pa ang dami ng taong lalakad sa tunay na kalayaan—sa iyong eskuwelahan, sa komunidad, o maging sa ibang bansa.
At ngayong Araw ng Kalayaan, aking napagtanto na maaring tapos na ang laban, pero hindi pa tapos ang pagdedeklara. Handa ka bang ideklara ang kalayaan ni Jesus sa iba? Tara! Simulan na natin ‘to!
“Kaya kung ang Anak ng Diyos ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo.” (Juan 8:36, ASND)