Kwentong Kahirapan

Jello de los Reyes

November 06, 2018

QUIAPO 1986—Masikip. Magulo. Marumi. Pugad ng mga snatcher, prostitute, at mga drug addict. ‘Yan ang Quiapo: isang lugar sa Maynila na kilala sa krimen at kahirapan. Dito ako ipinanganak.

Oo; batang Quiapo ako.

Hindi man ako lumaki sa mismong pugad ng kaguluhan, lumaki akong mulat sa kahirapan at sa panganib ng lansangan.

Apat kaming magkakapatid; lumaki kaming lahat sa hirap. Ang bahay namin ay isang maliit na kwarto na yari sa plywood, tila isang maliit na kahon kung saan anim kaming nagsisiksikan na parang sardinas tuwing gabi.

Walang tiyak na trabaho ang mga magulang namin. Pinasok na ata ni Mama ang lahat ng klase ng hanap-buhay para maitaguyod ang pamilya namin. Tinanggap niya ang mabababang posisyon sa mga kompanya; naglako siya ng mga beauty products at damit; nag-tutor; at nagtinda ng ihaw-ihaw sa kanto—lahat ng ‘yan para lang matugunan ang pangangailangan sa eskwela at mapunan ang mga kumakalam na sikmura.

Sinubukan naman ng tatay namin na mabigyan kami ng magandang buhay, subalit kinain siya ng bisyo at ng kahirapang kinasasadlakan namin.

Lumaki ako sa pamilyang magulo, maingay, baon sa utang, at tila wala nang pag-asa.

Sabi nila, tuyo at instant noodles daw ang pagkain ng mahihirap. Kung yan man ang basehan, masasabi kong mas mahirap pa kami sa daga. Naranasan ko nang pumasok sa eskwela nang walang baon at matulog sa gabi nang hindi pa kumakain. “Mabuti pang itulog na lang. Lilipas din ang gutom na ‘to.”

Sabayan mo pa ng walang tigil na away ng mga magulang namin. Walang humpay na sigawan, bugbugan, at palitan ng masasakit na salitang gumuguhit sa diwa ng isang batang ninakawan ng kalayaang maging bata.

Hindi gutom ang mortal na kaaway ng mahihirap.

Kawalan ng Pag-Asa

Naranasan kong mainggit sa ibang may magagarang damit, magagandang gamit, laruan, bahay, masarap na pagkain, at masayang pamilya.

Minsan na rin akong nangarap ng magandang buhay. Subalit sa paulit-ulit na pagkabigo, naranasan ko na ring sukuan ang mga ambisyon ko sa buhay.

Tumatak sa isip ko na hindi pala libre ang mangarap; na ang pangarap ay para lang sa mga may pera at may kakayanang abutin ang mga ito; na ang mga mahihirap ay dapat masanay na lang sa buhay na isang kahig, isang tuka. Mabuti nang hikahos kaysa naman walang wala.

Papaano ka nga ba naman mangangarap kung wala ka namang kakayanang pumasok sa mga prestihiyosong paaralan? Papaano ka nga ba naman makikipagsapalaran kung ang labanan ay maipapanalo lamang ng pera at kapangyarihan?

Hindi gutom ang pangunahing kaaway ng mga mahihirap, kundi ang kawalan ng pag-asa. At sa pagkawala nito, unti-unti na ring nawawala ang tiwala sa sarili.

Sa madaling sabi:

Kawalan ng Dignidad

Lumaki akong mahiyain at takot sa tao. Sa isip ko, mas mababa akong uri ng tao dahil hindi kami mayaman. Patpatin ako noon, maraming taghiyawat sa mukha, at panay luma ang damit.

Alam kong may kakayanan ako bilang isang indibidwal, pero natatabunan ‘yon ng kawalan ng tiwala sa sarili.

“Sino ba naman ako? Isang hamak na mahirap lang.”

“Papaano kaya kung lumaki akong mayaman? Hindi siguro ako payat. Maganda siguro ang kutis ko. Nasa magandang paaralan sana ako. Marami sanang nagkakagusto sa akin.”

Sa pera, itsura, at papuri ng iba nakasalalay ang kompiyansa ko sa sarili.

Mapalad ang mga taong dumaranas ng hirap, subalit nagagawa pa ring tumingala at manindigan sa kanilang pagkatao. Hindi lahat ay kagaya nila.

Snatcher. Prostitute. Holdaper. Drug pusher.

Lahat sila ay mga tao, kagaya mo at kagaya ko. Ang ilan sa kanila ay mga taong minsan ding nangarap at nabigo. Ang ilan sa kanila ay minsan ding kumapit sa prinsipyo, subalit dahil sa kawalan ng pag-asa ay napilitang kumapit sa patalim para tugunan ang tawag ng sikmura.

Nagpapasalamat ako dahil bago pa man humantong sa ganoong estado ang buhay namin, sinagip kami ng Diyos.

2005—Ito na marahil ang pinakamagulong yugto ng buhay namin. Lugmok kami sa gulo at sa kahirapan ng buhay.

Marahas ang bawat araw. Kasabay ng pagsigaw ng mga bitukang walang laman ay ang sigawan at bangayan sa loob ng bahay.

Pinalayas kami sa tinitirhan naming bahay sa Quiapo dahil ‘di kami makapagbayad ng upa. Napilitan kaming makituloy sa mga kaanak namin sa Cavite. Doon na nagsimulang magbago ang buhay namin.

Ilang buwan lang ang lumipas, sumama sa simbahan si Papa bilang pakikisama sa mga kamag-anak naming nagsisimba sa isang community church. Unti-unti ay nakita namin ang pagbabago sa kanya, hanggang sa tuluyan na niyang isinuko ang buhay niya sa Diyos.

Nakita namin kung papaano siya nakalaya sa mga bisyong bumilanggo sa kanya nang mahabang panahon. Noon, nakikita namin siyang halos lumuhod na sa pagkakalango sa alak. Ngayon, nakikita namin siyang lumuluhod sa panalangin. Napalitan ng magagandang salita ang mga malulutong na mura. Ang mga kamay na minsa’y nanakit sa amin, ngayon ay nakatiklop sa pagdarasal o nakataas sa pagpupuri.

Alam kong mahal ng Diyos kaming magkakapatid, dahil hindi Niya hinayaang mapahamak kami o lumaki sa isang tahanang winasak ng kahirapan.

Mahal din ng Diyos ang nanay namin; hindi Niya hinayaang magpatuloy ang pananakit na dinaranas niya at ang kahirapang binubuhat niya.

Pero, ang pinakamagandang balita sa lahat, mahal na mahal din ng Diyos ang tatay namin, at hindi Niya hinayaang tuluyan siyang masira ng bisyo, kasalanan, at kahirapan.

Ngayon, ang aming buong pamilya ay naglilingkod sa Victory. Lahat kami ay nakapagtapos ng pag-aaral sa tulong ng Diyos at ng mga taong ginamit Niya para maiahon kami sa hirap. Sa katunayan, ang tatay ko ay kasama ko ngayon sa trabaho bilang full-time church worker.

Ganito pala ang itsura ng buhay na pinaghaharian ng Diyos. Hindi man tuluyang nawala ang mga pagsubok na kinakaharap namin sa buhay, hindi pa rin matatawaran ang pag-asa, kaligayahan, at kapayapaang dulot ng kaharian Niya sa puso at buhay namin.

Ninakaw man ng kahirapan ang kakayanan naming mabuhay nang marangal, ibinalik ng Diyos ang lahat ng ito magmula ng maranasan namin ang buhay na kasama Siya. Natuto kaming mangarap ulit.

Niyakap ko ang halaga ko bilang tao—halagang hindi batay sa kayamanan o estado sa buhay, kundi sa pagkataong ibinigay sa akin ni Jesus.

Hindi ko lubos akalain na ang isang batang Quiapo noon ay magagamit ng Diyos upang abutin ang kabataang maaaring lito at ligaw sa buhay. Ako ngayon ay isang campus missionary.

“Ngunit hanapin muna ninyo ang paghahari ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”

Mateo 6:33

Hindi sa pera o hanap-buhay nagsisimula ang tunay na pag-ahon sa kahirapan. Nagsisimula ito sa paghahari ng Diyos sa buhay ng isang tao.

Kung dumaranas ka ng kahirapan ngayon, panghawakan mo ang mga pangako ng Diyos. Ihangad mo ang paghari Niya sa buhay mo, at lahat ng mga pangangailangan mo ay ibibigay Niya sa’yo.

Huwag mong hayaang nakawin ng kahirapan ang mga pangarap mo. Huwag mong gawing batayan ng iyong dignidad at pagkatao ang estado ng buhay mo. Mangarap ka. Tumindig ka. Maglakad ng taas-noo. Ikaw ay anak ng Hari ng mga hari.

Kung ikaw naman ay nabiyayaan at may kaya sa buhay, handa ka bang tumulong sa kapwa at makibahagi sa gawain ng Diyos upang ipagtanggol ang mga hindi makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan, at igawad ang katarungan sa mga api at mahihirap? (Kawikaan 31:8,9)

53 Shares

The Author

Jello de los Reyes

Jello is an introvert who loves to spend time with students. He once dreamed of becoming a journalist to expose evil in government, but God’s destiny for him is to root out evil in the hearts of men as a minister of the gospel. For him, nothing beats the joy of seeing young students surrender their lives to Christ. Jello currently serves as the editor-in-chief of ENC.ph.

VIEW OTHER POSTS BY THE AUTHOR