July 19, 2021
“Ma’am, face-to-face na la kita kay makapoy man magpara-modyul.”
(Ma’am, face-to-face na lang tayo kasi nakakapagod nang magmodyul.)
’Yan ang pakiusap ng mga nanay na kumuha ng huling modyul ng mga anak nila nitong huling linggo ng school year.
Isa ang school namin sa Tacloban sa 87.2% ng public schools sa Pilipinas na nakadepende sa modular delivery mode ngayong taon. Kahit gustuhin naming magkaroon ng interaction sa mga estudyante namin online, marami sa kanila ang walang cellphone o WiFi. Kung meron man ay umaasa sila sa KonekTayo, ’yung tinatawag na kapit-WiFi kung saan kailangan mong magregister para makikabit sa WiFi na nakakalat sa buong barangay. Pero gaano ba ’yun kabilis? Weather weather lang din tulad ng sa iba. Kaya siguro 2.1% lang talaga ng public schools sa Pilipinas ang kaya mag-online classes.
Sinubukan naming mag-home visit sa ilan sa kanila. Isa ’to sa highlight ng buong taon ng pagtuturo ko. Mahirap talaga ’to lalo na kung ilang daan ang estudyante mo. Idagdag mo diyan ang banta ng sakit sa sarili mo. Naranasan naming magkaroon ng co-teacher na tinamaan ng sakit, kaya halos isang buong buwan na sarado ang school. Paano ang module distribution? Huminto rin.
Ilan lang yan sa mga kwento on the ground. Paulit-ulit na tanong sa ’min ng mga magulang, “Face-to-face na ba next school year?” Tunog hindi lang patanong pero nakikiusap. Apektado rin kasi ang paghahanapbuhay nila. Linggo-linggo, magulang ang kumukuha ng modyul ng mga anak nila.
Ito pa, ’di lang isa ang anak nila, pero dalawa, tatlo, apat, minsan pa nga higit pa. Paramihan ng bitbit na envelope, depende sa bilang ng anak nila. Yung iba pa, ipinapasuyo ang pagkuha sa kapitbahay nila.
Maliit lang naman ang school namin kaya makikilala mo agad ang mga nanay, tatay, lolo, lola, ate, o kuya na kumukuha ng modyul. Masarap makipag kwentuhan sa kanila pero, mabigat din makipag kumustahan sa kanila. Ramdam mo yung hirap e. Kung pwede lang naman kasi talaga, gustong-gusto na rin naman naming bumalik sa dati.
Gusto ko na magturo sa mga bata.
Pero ano ang lagi kong sagot sa kanila? “Mukhang ganito pa rin, ’nay/’tay.” Dudugtungan ko na ng kwento tungkol sa bagong variant, tungkol sa vaccine, etc. Makikita mo sa mukha nila ang pagkadismaya.
Kahit din naman kaming mga teacher, tulad ng mga magulang, nakakapoy (napapagod), nakukurian (nahihirapan), at nalilipong (nalilito) sa mga dapat unahin at gawin. Kaming mga teacher ang linggo-linggo ring nagpiprint ng mga modules at activity sheets, bumubulong sa mga printer namin na huwag kaming susukuan, na-master na nga ang paggamit ng photocopy machine, at siyempre nagchecheck rin ng papel linggo-linggo.
Bakit ko kinukwento ang mga ’to sa inyo? Kasi naniniwala akong makapangyarihan ang pagkukwento. Nakapagbubukas ito ng mata na may malawak pang mundo sa labas, nakakapagpa-apoy din ito ng siguro ay nanlalamig nang passion ng iba, nakakapagpakilala o nakapagpapaaalala sa iba ng pwede pa nilang gawin, di man ngayon pero sa hinaharap, para tumulong.
Nagkwento ako kasi dalawa lang naman talaga ang points ko bilang paghahanda sa posibleng pagpapatuloy nitong kinakaharap natin ngayon lalo na ngayong inilalatag na talaga sa ’tin ang posibilidad na flexible learning bilang norm.
Sa nagdaang school year daw, mas nahighlight ang kahalagahan ng pagkatuto ng mga estudyante ng soft skills kumpara sa hard skills. Halimbawa ng soft skills ay growth mindset, collaboration, empathy, at iba pa.
Alam na nating napakahirap ng pinagdadaanan natin ngayon—nating lahat.
Estudyante, magulang, mga guro. Lahat. Nakakalungkot na rin minsan manood ng balita at mga announcement na nakakasakit sa puso.
“Kung kinaya natin ng isang taon ay kakayanin pa rin naman.” Minsan naiisip ko na sana sa halip na ibato lang ito sa mga tao, bakit ’di muna tayo mag-emphatize? I-acknowledge ang paghihirap ng bawat isa. Sana magkaroon pa tayo ng maraming leader na di lang excellent, pero marunong rin mag-empathize.
Sa mga pinapanood mo sa balita ngayon, anong nakapagpapadurog ng puso mo? Yung nakakatrigger ng matinding empathy diyan sa puso mo. Huwag mong balewalain, baka yan na rin yung nangungusap sa ’yo kung ano ang purpose mo at pwede mong gawin sa hinaharap o pwede ring ngayon.
’Di ba nga we are called to “Change the campus and change the world”? Hindi ka mananatili lang sa campus mo habang buhay. Ano ang maliit na bahagi ng mundo na gusto mong baguhin sa hinaharap?
O ngayong darating na school year, o sa iba na nagsimula na, sino ang pwede mong tulungan ngayong taon?
Minsan, kung kailan malapit ka na sa pagsuko, kapag may nakikita kang nahihirapan, napapatigil ka at nakakadagdag sila sa mga dahilan mo para magpatuloy.
Ikaw ’yung nagiging dahilan para sabihin nila,”Maupay na la nagpadayon ako.” (Mabuti na lang nagpatuloy ako.)
Sa totoo lang, gusto ko pa rin makita ang mga estudyante ko sa susunod na school year. Gusto ko silang magpatuloy. Pero kung sakaling nahihirapan na sila at gusto nilang magpahuway (magpahinga) muna, mauunawaan ko yun.
Sa nagdaang school year, isa sa pinakamalaki kong natutunan ay walang makapag-aalis sa ’yo ng purpose mo, kahit delay man ’yan. Kahit ang pakiramdam mo’y ’di ka ganun kahanda at natuto.
Minsan lang din talaga nagkakaroon ng ibang larawan ang purpose natin. Hindi ibig-sabihin ng pag-iba ng panahon ngayon ay huminto na rin, nawala, o nalimot na ang purpose mo. Hindi. Magiging iba nga lang siguro ang larawan at paraan nito.
Nang magbalik ako sa pagtuturo, simple lang, gusto ko lang naman talagang magturo. Touch the lives of my students. Kung saan kailangan.
Ilang buwan bago ang deployment, nagbago ang lahat, yung inaasahan kong pagtuturo sa klasrum, napalitan. Nagpapasalamat ako sa organization na kinabibilangan ko dahil inihanda nila kami sa abot ng kanilang makakaya, pero mararamdaman mo pa rin minsan, dahil sa pagdududa at takot, na parang ’di ka ganun kahanda.
Kahit iba man ang kinalabasan at pakiramdam ko man na ’di ako handa, alam kong nanatili ang purpose na ibinigay Niya sakin.
Ganun ka rin.
’Di binura ng pagbabago ng panahon ang purpose mo. Andiyan pa rin yun. Hihinto ka man o magpapahinga, andiyan pa rin yun.
’Di ko naman talaga goal na bigyan ka ng isang sagot. Iba-iba rin kasi talaga ang sitwasyon natin, pero anuman yang desisyon mo, alam kong yung dalawang yun—empathy at purpose—ay ’di naman talaga mawawala, piliin mo mang magpahuway muna o magpadayon.
Piliing unawain ang pinagdadaanan ng iba. Maniwalang di mawawala sa’yo ang purpose mo. O subukan mo ring magkwento. Makikinig kami sa kwento mo.