November 01, 2020
Undas na naman.
Sa buong isang taon, isa sa mga ispesyal na araw sa pamilya namin ang Undas dahil nagiging semi-reunion ito para sa aming magkakamag-anak. Tuwing Undas, laging may kaunting salo-salo sa pamilya namin. May potluck, ika nga.
Pero ngayong taon, walang semi-reunion. Dahil sa banta ng COVID-19, minabuti ng gobyerno na isarado muna ang mga sementeryo para iwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Ang Araw ng mga Patay ay isa sa mga mahahalagang tradisyon nating mga Pilipino.
Saan nga ba nagsimula ito at bakit ba ito mahalaga sa atin?
Ang paggunita sa Undas, o Todos Los Santos, ay may mahabang kasaysayan.
Noong 10th century, ang Todos Los Santos ay ginugunita tuwing May 13th. Ngunit sa utos ni Pope Gregory III, inilipat ito sa November 1st upang sabayan ang Samhain—isang pista ng mga pagano kung saan pinaniniwalaang nagbabalik sa mundo ang kaluluwa ng mga namayapa na.
Nang maupo si Pope Gregory IV, ang todos los santos ay pinalawig sa buong Simbahang Katolika. Sa araw na ito, ang lahat ng mga Kristyanong Katoliko ay iniimbitahang alalahanin at ipanalangin ang mga kamag-anak nilang sumakabilang-buhay.
Nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, isa ang Undas sa mga tradisyong ipinakilala nila sa atin. Dahil na rin sa pagiging relihiyoso nating mga Pilipino, nanatiling buhay ang tradisyong ito, kung kaya’t sa tuwing sasapit ang Undas, dumadagsa ang milyun-milyong kababayan natin sa mga sementeryo.
Bukod sa pagiging relihiyoso, bahagi rin ng ating kultura at kaugalian ang mataas na pagpapahalaga sa pamilya. Kaya naman kahit namayapa na sila, inaalala pa rin natin sila. This is our way of giving honor and respect sa mga mahal natin sa buhay na hindi na natin kasama.
Ang panahon ng Undas ay panahon ng pag-alala sa mga namayapang mahal sa buhay. Malaking bagay para sa atin na isa itong national holiday, dahil nagkakaroon tayo ng pagkakataong paglaanan ng oras ang pagbisita sa kanila kasama ang mga pamilya nating nabubuhay pa.
Sa ating mga Pilipino, ang panahong ito ay panahon rin ng pagsasama-sama; isang semi-reunion para magkuwentuhan, magtawanan, at kumain nang sama-sama.
Ang araw ng Undas ay maaring para sa mga namayapa na, pero pwede rin itong magsilbing isang paalala upang pahalagahan, mahalin, at alagaan natin ang mga minamahal natin habang sila ay nabubuhay pa.
Dahil maganda man ang mga bulaklak sa sementeryo, masarap man ang mga pagkain sa reunion, at masaya man ang mga alaalang binabalikan, wala pa ring tatalo sa pagmamahal, kwentuhan, at pagkaing pinagsasaluhan kasama ang pamilya nating nabubuhay pa—mga magagandang alaalang babalikan natin balang araw.
Isa sa mga tradisyon tuwing Undas ay ang pag-aalay ng panalangin para sa mga namayapa na. Ayon sa ating kinagisnang paniniwala, makakatulong ang panalangin para magkaroon ng kapayapaan ang kanilang kaluluwa o kaya ay para makaakyat sila sa langit.
Subalit, sabi ng Bibliya sa Hebrews 9:27, itinakda sa mga tao ang mamatay, at pagkatapos nito ay judgment o paghatol sa kung papaano tayo nabuhay.
Sabi rin sa Ecclesiastes,
For the living know that they will die, but the dead know nothing,
and they have no more reward, for the memory of them is forgotten.
Ecclesiastes 9:5
Ibig sabihin, ang taong namatay na ay wala nang pagkakataong magbago o gumawa ng desisyong magpapabago sa kanyang buhay. Ang kasunod ng kamatayan ay ang paghatol.
Dahil dito, the best time to pray for your loved ones is while they are still alive. Habang nabubuhay pa sila, ipanalangin natin sila at tulungang makilala ang Diyos na nag-iisang may kakayanang magligtas sa ating mga kaluluwa.
Kung Kristyano ka at mayroon kang relasyon kay God, now is the best time to share the gospel. “Behold, now is the favorable time; behold, now is the day of salvation.” (2 Corinthians 6:2)
Ito ang biggest realization ko pagdating sa Undas: I am in Christ, and I’ve come to know the truth. When faced with the reality of death, mas na-appreciate ko ang eternal life.
Lahat man tayo ay nakatakdang mamatay, ang good news ay mayroong life after death, may eternal life para sa mga may relasyon kay Jesus Christ.
“I am the resurrection and the life. Whoever believes in me, though he die, yet shall he live, and everyone who lives and believes in me shall never die.”
John 11:25-26
Ngayong Undas, alalahanin natin ang mga mahal natin sa buhay.
Balikan natin ang naging buhay ng mga kaibigan at kamag-anak nating namayapa, at baunin natin ang kanilang mabubuting halimbawa. Subalit, sa pag-alala natin sa kanila, alalahanin din natin ang mga mahal natin sa buhay na kasama pa natin. Sulitin natin ang panahong kasama pa natin sila. Bumuo tayo ng magagandang alaala kasama nila.
Show up and serve. Be a blessing to your family and loved ones.
At ang pinakamagandang magagawa mo para sa kanila ay ang ipanalangin sila at ipakilala sa kanila ang Diyos na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Humantong man tayong lahat sa kamatayan, alam nating hindi ito pang-habang panahon. Sa pagbabalik ni Kristo, magkakaroon tayo ng isang grand reunion kasama ang mga mahal natin sa buhay—isang grand family reunion na hindi na lamang mangyayari tuwing sasapit ang panahon ng Undas.