Kaibigan, kumusta ka na?

ENC Philippines

September 14, 2021

Kumusta ka na?

Parang kailan lang, magkasama tayong nagse-serve sa ministry, naglolokohan na baka “overfellowship” na tayo, o kaya naman ay nagce-celebrate ng mga milestones natin together.

Miss na kita. Namimiss kong makita yung passion mo, yung puso mo, yung presensya mo sa buhay ko.

At hindi ko man naiintindihan nang buo kung bakit, alam kong hindi madali para sa ’yo ang desisyon mong umalis. And to be completely honest, hindi naging madali para sa akin ang paglayo mo.

Minsan iniisip ko kung isa ba ako sa nanakit sa ’yo, kung isa ba ako sa mga hindi nakinig, kung isa ba ako sa nawawala nung kailangan mo ng kausap.

Naaalala ko yung mga late night tambay natin na puno ng tawanan. Sana nag-stay pa ako ng kaunti para samahan ka sa iyong pag-iyak.

Kung paanong nagseserve ka halos every week sa ministry, sana nandun ako para pagsilbihan ka nung mga panahong pakiramdam mong hindi mo na kaya.

Kung paanong nung mga panahong nagpapakatatag ka para sa iba, sana hinayaan kitang maging mahina, na magalit, na magsalita, na maging ikaw, na maging kaibigan, na maging kapatid.

Pero nangyari na ang nangyari. Ayoko rin na patuloy mamuhay sa regret at sa kakaisip ng mga bagay na sana ay nagawa ko.

To be honest, minsan hindi ko naman talaga alam kung ano ang sasabihin ko eh. Hindi ko alam ang gagawin tuwing nakikita kitang online—ichachat ba kita o hindi? Ano bang sasabihin ko?

Hindi ko rin alam paano ipararating ito sa ’yo. Pero gusto kong malaman mo na kahit hindi man tayo nakakapag-usap ngayon, mahal kita bilang isang kapatid. Hindi man ako isang perpektong kaibigan, gusto kong malaman mo na mahal kita at nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa buhay mo.

Isa ka sa mga taong nagparamdam sa akin na makabuluhan ang buhay na inilaan sa Panginoon. Ikaw yung isa sa mga unang naniwala, isa sa mga unang nagtiwala. At maraming salamat dun.

Maraming salamat sa pagbubukas ng pinto ng bahay mo sa mga panahong kailangan ko lang ng kaibigan. Maraming salamat sa pagpapahiram ng gamit kapag kailangan ko. Maraming salamat sa pagturing sa akin bilang kapatid. At maraming salamat dahil ikaw ay ikaw.

Hindi mabubura ng panahon ang puwang mo sa buhay ko.

And on behalf of every person in church who hurt you, sorry.

Sorry kung nasira ang tiwala mo sa mga taong pinagkatiwalaan mo ng buong buhay mo. Sorry kung may kultura man sa church na nakasakal sa ’yo. Sorry kung sa mga panahong kinailangan mo ng tulong, hindi sineryoso ang mga tawag mo. At sorry kasi alam kong napagod ka. 

At dahil napagod ka, pinili mo na lang lumayo dahil pakiramdam mo nandun ang pahinga. Pasensya ka na kung nabigo man kita at napagod ka.

Kagaya mo, patuloy pa rin akong binabago ni God, tinuturuan ng mga bagay-bagay, at itinatama ang mga pagkakamali ko. 

Bago matapos ang liham na ito, gusto kong maalala mo na mahal ka ng ating Panginoon. Hindi naman iyon nagbago. At may isa akong matinding dalangin ngayon, na kahit hindi man okay ang maraming bagay ngayon, sana ay okay kayo ni Lord.

Hindi kita pipiliting bumalik ngayon, pero may isa lang akong hiling. Huwag mo sanang pagdudahan na mahal na mahal ka ng ating Panginoon.

Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. 

Mga Taga-Roma 8:38–39

Sana ma-enjoy mo pa rin ang pagmamahal ng Panginoon sa araw-araw. Nabigo ka man ng mga tao sa paligid mo, sure ako na kahit kailan ay hinding-hindi ka bibiguin ni Lord. Mahal ka Niya since day 0.

At kung isang araw, pipiliin mong bumalik, nandito lang kami. Pero anuman ang mangyari, kaibigan mo ako. Tutulungan kita. Handa akong makinig.

Mahal kita. Miss na kita. Sana makapag-catch up tayo soon.

 

 

0 Shares

The Author

ENC Philippines

Every Nation Campus in the Philippines is a campus organization that empowers students for LIFE—Leadership, Integrity, Faith, and Excellence.

VIEW OTHER POSTS BY THE AUTHOR