February 05, 2021
Naramdaman mo na ba yung butterflies na lumilipad-lipad sa sikmura mo? Yung halos magkulang ang tulog mo kasi inaabangan mo yung story niya na rereplyan mo? O kaya naman kapag nasa paligid mo siya, hindi mo mapigilang sulyapan siya?
Paano mo nasisigurado na “in love” ka nga?
Maaaring naitanong mo na yun sa sarili mo nang ilang beses. At maaaring pati mga tropa mo, naitanong mo na ng thousands of times. (Take note: Hindi lang para sa iisang tao.)
So paano nga ba natin malalaman? May standards ba na dapat sundin? May checklist ba?
Let me get this straight. Wala pa akong asawa—Lord, beke nemen. I only had one girlfriend my entire life, and I’m currently single. I just enjoy watching and reading love stories. Secret na lang kung anong mga KDrama na napanuod ko.
Gayunpaman, marami na akong na-witness na love stories and marriages (care of my friends). At higit sa lahat, na-experience ko na rin ang pinaka magandang love story sa lahat—yung love story natin with God.
Matapos ang lahat ng sinabi ko, paano nga ba natin malalaman kung in love tayo?
Ito ‘yung tipong hindi mo na maintindihan kung ano ba talaga ang mararamdaman mo sa tuwing makikita mo siya. Natutuwa kang makita siya, pero kinakabahan ka din at nababalisa at the same time. Napapangiti ka nang kusa, pero bigla kang mahihiya kasi baka may tinga ka sa ngipin.
Napapatanong ka pa sa sarili mo kung nababaliw ka na ba dahil biglang nagbabago ang mood mo.
Huwag kang mag-alala, normal lang yan. Maaaring in love ka lang.
Pagkagising mo palang sa umaga, iniisip mo na kaagad kung gising na rin ba siya. Sa tanghali, iniisip mo kung ano kaya ang menu na ipeprepare mo kung ikaw ang love interest niya. Sa gabi, iniisip mong sana ikaw ang mapanaginipan niya.
Kung isa kang gym, batak na siguro ang crush mo sa cardio dahil hindi na siya huminto sa pagtakbo sa isip mo.
At sa tuwing makikita mo siyang nakatingin sa ’yo, iniisip mo na baka iniisip ka rin niya madalas. Haaay.
You always try to put your best foot forward. Mapa-porma man yan o sa pagandahan ng sagot sa recitation. Basta gusto mong kung mapapansin ka, mapapansin ka in a positive light.
Hindi mo man naisip na ganun, pero this brings out the best in you. Natutunan mong mag-aral nang mabuti para sa ’yo siya magpapaturo. (Wag cheating ha!) Natuto ka na ring pumorma. At higit sa lahat, natutunan mong mag-skin care routine.
Isa na yata ’to sa pinakamasakit na tanong, “Bakit hindi ka crush ng crush mo?”
Pero umabot ka na sa punto na ayos lang? As long as okay siya, okay ka na rin. Natututo kang maghintay sa #TamangPanahon. Mahirap man, pero natutunan mong maghintay.
Kaya mo siyang hintayin sa canteen, sa pag-log in sa ML, sa pag-IG story niya, o maging sa buhay kapag handa na kayo pareho.
Kaya mo nang mag-sakripisyo kapag kinakailangan. Iba ang selfless sa pagiging martyr, dahil alam mo pa rin ang tama sa mali. Pero mas natutunan mong hindi madali ang magmahal, ngunit pinipili mo pa ring gawin yun.
That’s why kapag na-in love ka, kaya mong magpaubaya at magbigay. Minsan pipiliin mo kung ano ang makabubuti para sa kanya kahit masaktan ka.
Inuulit ko, iba ito sa pagiging martyr. Hindi porket nagbigay ka ay selfless ka na. Minsan nagbibigay ka lang para hindi siya umalis, which means hindi ito selfless.
Isa sa mga natutunan ko sa buhay ay kung magmamahal na rin lang ako (hindi lang kay crush pero sa lahat ng relationships ko), ang magiging standard ko ay ang pagmamahal ni Jesus sa atin.
Si Jesus na tayo ang laging iniisip; na maaaring hybrid na ang emotions para sa atin dahil mahal Niya tayo kahit minsan nasasaktan natin Siya; na ipinakita ang pagmamahal Niya sa atin by fulfilling His promises to undeserving people—opo, tayo yun—na patuloy na nagiging pasensyoso sa atin; na sobrang selfless to the point na sinakripisyo Niya ang sarili Niyang buhay para sa atin.
Tall order? Oo naman. Pero kung may mamahalin man tayong ibang tao, una sana nating mahalin si Jesus. Kasi habang mas minamahal natin Siya, mas nagiging katulad natin Siya. At habang mas nagiging katulad natin Siya, mas kinakaya nating mahalin ang ibang tao katulad ng pagmamahal Niya sa atin.
Ang nagmamahal ay matyaga at mabait, hindi seloso, maangas o mayabang, hindi bastos, makasarili, o madaling mairita. Pag nagmamahal ka, hindi ka nagbibilang ng mali ng iba. Pag nagmamahal ka, hindi ka masaya pag may gumagawa ng masama, masaya ka pag pinapairal ang totoo. Ang nagmamahal ay hindi sumusuko, lagi syang nagtitiwala, laging may pag-asa, at nagtityaga kahit anong mangyari. Walang katapusan ang pagmamahal . . .
1 Corinthians 13:4–8 (Pinoy Version)
Maligayang buwan ng mga puso, mga mangingibig!
Photography by: Cookie Gonzalez