April 23, 2020
Ika-anim na linggo na ng Enhanced Community Quarantine. Para sa mga estudyante, halos ika-pitong linggo na rin kung tutuusin.
Mainit. Nakakabagot. Miss na miss mo na ang mga tropa mo.
Dagdag pa rito ang mga taong nakikita mo sa balita na nahihirapan sa buhay. Maaring dagdag pa rito ‘yung araw-araw mong nakikita ang paghihirap ng sarili mong mga magulang dahil sa mga pangyayari.
Ngayong mabilis na makipag-connect sa iba dahil sa Internet, hindi na natin kinakailangang lumabas pa ng bahay o gumastos ng malaki para makatulong.
Kailangan lang nating tanungin ang ating mga sarili, “Anong mga pangangailangan ang nakikita kong kailangang matugunan? Anong kakayanan o talento ang meron ako na pwede kong gamitin para makatulong?”
Ito ang ilang mga halimbawa:
Online Research. Kung magaling kang sa research, pwede mong i-connect ang mga suppliers at mga consumers. Malaking bagay ito para sa mga taong naghahanap ng mabibilhan ng mga pangangailangan nila nang hindi lumalabas ng bahay.
Pwede mong tulungang ma-connect ang mga nagnanais mag-donate ng pagkain, pera, o personal protective equipment sa mga nagsasagawa ng relief operations.
Pwede ka ring tumulong sa pagkilatis ng mga balita at impormasyong kumakalat sa internet upang malaman kung totoo ito o kung ito’y fake news.
Maaari ka ring maghanap ng mga job opportunities para sa mga naghahanap ng home-based work o mag-promote ng mga small businesses.
Free Tutorial. Kung magaling ka sa Math, English, Science, o anumang subject, pwede kang mag-offer ng libreng tutorial para sa mga estudyanteng nahihirapan sa online classes nila.
Creativity. Sa panahon ngayon, laganap sa social media ang mga negatibong mensahe na naghahasik ng takot, galit, o pangamba. Sa simpleng paraan, maaari kang magbahagi ng saya, pag-asa, at inspirasyon sa mga tao. Pwede mong gamitin ang talento mo sa pagsusulat, pagguhit, pag-awit, o anumang kakayanan mo para magbahagi ng pag-asa at magandang balita.
Kung hindi tayo makakatulong online, pwede rin naman nating tanungin ang ating mga sarili: “May maitutulong ba ako sa sarili kong bahay?”
Sa simpleng pagtulong natin sa gawaing-bahay, nagiging magandang halimbawa tayo. O kaya, sa simpleng pagtitipid ng kuryente at tubig, malaki ang naibibigay mong tulong sa bansa at sa kalikasan.
Kung may espasyo kayo sa bahay, pwede mong subukan ang urban gardening—nakatulong ka na sa bahay at nalibang ka na, natulungan mo pa ang kalikasan.
Itanong mo rin sa iyong sarili, “Anong tulong ang kailangan ng aking mga magulang at kapatid?”
Unti-unti, subukan mong tugunan ang mga pangangailangan na iyon sa iyong simpleng pamamaraan, tulad ng pagtulong sa gawaing-bahay, pagkakarpentero, pagluluto, at pagiging masunuring anak.
Kung Kristyano ka, marahil ay magandang paraan din ito para mailapit mo sa Diyos ang pamilya mo, sa pamamagitan ng mabuting halimbawa mo sa bahay.
Kanya-kanya tayo ng mga pinagdaraanan. Marahil ay iba-iba rin ang ating pamamaraan upang makatulong tayo sa kalagayan ng ating bansa.
Hindi basehan ang laki ng perang naiambag mo o kung gaano karaming tao ang natulungan mo. Ang mahalaga ay kung naging handa tayong tumulong at magbigay ng kontribusyon—gaano man ito kaliit o kalaki—bilang pagtugon sa pangangailangan ng iba at sa panawagan ng Diyos na tulungan ang mga nangangailangan.
“Ganoon din ang dapat ninyong gawin. Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.”
Mateo 5:16