January 01, 2021
Kakaiba talaga ang pakiramdam kapag bagong taon.
Ngayong umaga, tila may kakaibang huni sa pagtilaok ng mga manok. Kahit ang tahol ng mga aso ay parang musika sa pandinig. May kakaibang kapayapaan sa hangin, kasabay ng pagsabog ng liwanag sa paligid sa unang pagsikat ng araw.
Tila ba lahat ng problema at pagsubok noong nakaraang taon ay balewala na. Sa wakas, tapos na ang 2020.
Bagong taon na—bagong pagkakataon para sa pangarap, sa paglago, at sa pagbangon.
Naranasan mo na bang mapangakuan ng isang napakagandang bagay? At sa sobrang excitement mo ay umasa ka at nangarap ka nang mataas. Pero ang lahat ng ito ay nabigo. Lahat ng plano ay nauwi sa “drawing.”
Ganyan ang pakiramdam ng marami sa atin noong 2020.
Ako mismo, nangarap na makapagbakasyon kasama ang pamilya. Nangarap din akong bumisita sa ibang bansa. Kahit sa trabaho, tinaasan ko rin ang faith ko, dahil tiwala akong magiging maganda ang takbo ng taon. Pero . . . (Hindi ko na itutuloy. Alam mo na ang kwento.)
Kaya ngayong taon, sinimplehan mo na lang. Ayaw mo nang umasa dahil baka mabigo na naman. Ayaw mo nang ma-excite kasi baka maulit lang ang nangyari nung nakaraang taon.
Relate ako sa ’yo, kasi naramdaman ko din yan.
Pero, nabasa ko ito:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito’y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.”
Isaias 43:18–19
Kung pakiramdam mo, naging disyerto ang buhay mo noong nakaraang taon, tignan mo kung papaano gagawa ang Diyos ng daanan sa gitna ng disyertong ito.
Mangarap ka. Kunin mo ang bolpen at journal mo. Isulat mo ang mga bagay na pinapangarap mo. Isulat mo ang mga pangako ng Diyos na pinanghahawakan mo. Wag mong hayaang kainin ng nakaraan ang pag-asa mo para sa hinaharap.
Mangarap ka, dahil hindi pa tapos ang Diyos sa buhay mo at sa mundo.
Noong 2020, naubos lang ang isang buong taon na nakakulong tayo sa kwarto at nakababad sa screen.
Napakaraming nangyari, pero parang walang nangyari. Umikot ang mundo, pero huminto ang buhay.
Gets mo ba?
Kung pakiramdam mo ay nasayang lang ang oras at buhay mo nung nakaraang taon, pwede ko bang sabihin sa ’yong nagkakamali ka?
Hindi lahat ng paglago ay nasusukat sa grado, sa numero, sa pera, o sa mga bagay na na-accomplish. Ang ilang paglago ay hindi nakikita ng mga mata.
Kagaya na lang ng isang butong itinanim sa lupa: Madilim, marumi, at malalim. Akala mo, wala nang pag-asa. Pero lingid sa nakikita ng mga mata, may ugat na umuusbong mula sa butong ibinaon. Ang ugat na ito ang susi para sa mas mabilis na paglago ng buto hanggang sa ito ay maging mataas na puno.
Pakiramdam mo ba ay natabunan ka ng napakaraming stress at problema noong 2020? Hindi nasayang ang mga pinagdaanan mo. Dahil sa lahat ng iyon, may ugat na umusbong mula sa ’yo.
Dahil sa pandemya, mas nakita natin ang mga bagay na tunay na mahalaga.
Natutunan natin ang halaga ng buhay, ng pamilya, at ng mga kaibigang nandyan sa hirap at ginhawa.
Natutunan nating maging matatag sa pagharap sa problema. Lumakas ka, at nagkaroon ka ng bagong kakayanan para bumuhat ng mas mabibigat na hamon.
Sa lahat ng luha, hirap, at pagdurusa ng nakaraang taon: Walang tapon. Walang sayang. Lahat ng ito ay nagturo sa ’yo ng aral at nagbigay sa ’yo ng panibagong lakas—mga aral at kalakasan na babaunin mo sa pagharap sa bagong taon.
Kung ikaw naman ay nalugmok o nadapa noong nakaraang taon, ngayon na ang araw ng pagbangon.
Tapos na ang nakaraang taon. Sa pagtahimik ng mga putukan at sa pagpikit ng iyong mga mata kagabi, kasabay nito ang pagsasara ng madilim na nakaraan.
Huminga ka ng malalim. Buksan mo ang iyong mga tenga. Pakinggan mo ang sinasabi ng Ama mong nasa langit: “Anak, bitawan mo na ang lahat ng bitbit mong bagahe. Hindi mo na kailangang buhatin yan.”
Bitaw na.
Bangon na.
Magpatawad ka na.
Humingi ka na ng tawad.
Tanggapin mo na rin ang kapatawaran para sa sarili mo.
Hirap ka mang patawarin ang sarili mo sa mga pagkakamaling nagawa mo, ito ang mas simpleng solusyon: Pinatawad ka na. May nagdusa na para sa mga kasalanan mo, kaya wag mo nang parusahan ang sarili mo.
Sa pagbangon mo kaninang umaga, kaakibat nito ang pangakong ito:
Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagmamaliw.
Ang kahabagan Niya’y walang kapantay.
Ito ay laging sariwa bawat umaga;
katapatan Niya’y napakadakila.
Mga Panaghoy 3:22–23
Alam mo kung ano ang pinakamaganda dito? Ang pagmamahal, pagpapatawad, at muling pagbangon ay hindi lamang naririto tuwing sasapit ang bagong taon.
Sa bawat araw ng taong ito—mula sa unang pagtilaok ng manok kaninang umaga hanggang sa huling paglubog ng araw sa December 31—may pagkakataon kang bumangon at magsimulang muli.
At sa bawat araw ng buhay mo—mula sa una mong pag-iyak nung sanggol ka pa hanggang sa huling pagpikit ng iyong mga mata . . . hanggang sa pagtawid mo sa kabilang buhay—walang makapaghihiwalay sa ’yo sa pagmamahal ng Diyos.
Kaya mangarap ka, magpatuloy ka, at bumangon ka.
Maligayang Bagong Taon!