August 27, 2021
Mahirap mabuhay sa isang kasinungalingan. Mapa-TV man, pelikula, o sa lovelife, may masakit na dulot ang isang kasinungalingan. (Kung minsan ka nang naloko ng taong minahal mo, alam mo kung gaano kasakit ito.)
Pero, hindi ito isang hugot article, at lalong hindi ito patama sa lahat ng sinungaling at manloloko.
Kung susuriin nating mabuti, marami nga talagang kasinungalingan na umiikot sa mundo. Bukod pa sa mga kakatwang conspiracy theories na lumalaganap sa internet—gaya ng tsismis na buhay pa raw talaga si Michael Jackson at bampira daw si Avril Lavigne—may mga kasinungalingang direktang nakakaapekto sa ating buhay at realidad.
Ito ang fake news—mga maling balita at impormasyon na lumalaganap sa social media at internet na nagdudulot ng takot, duda, away, at pangamba sa mga tao. Minsan, may mga content din sa internet na sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon para manira ng iba o kaya nama’y baguhin ang katotohanan.
Bilang mga mamamayang hindi magpapaloko, paano nga ba natin makikilatis ang mga balita para ma-distinguish ang totoo mula sa peke?
Una, i-check mo ang source.
Kapag may nabasa kang juicy tsismis o malaking balita sa Facebook, tignan mo muna kung sino ang source nito.
Legitimate source of news or information ba ito? Mapagkakatiwalaan ba ang website o author na ito, o random blogger lang ba siya na hindi mo sure kung saan kumuha ng impormasyon?
Hindi lahat ng trending sa internet ay totoo. Hindi porket sinabi ng kaibigan mong matalino, totoo na agad. Hindi rin porket shinare ng leader mo sa church, totoo na kaagad.
Dapat ay marunong tayong mag-check ng source bago natin paniwalaan at i-share. Sa ganitong paraan, mababawasan ang mga nabibiktima ng fake news.
Para malaman kung legit na website ba yung source, pwede mong i-check ang About Us ng website para malaman mo kung news site ba ito, satirical page ba, o kung propaganda site pala ng isang personalidad o organisasyon.
Additional tip: Pwede mo ring i-check ang isang source or article sa factcheck.org or sa snopes.com.
Pangalawa, maghanap ng iba pang supporting sources.
Para makasigurado, humanap ka ng dalawa o tatlo pang sources na sumasang-ayon o ine-explore pa ang same topic para makasigurong totoo ang balita o impormasyon.
Hindi lang ito para sa mga news articles o blogs. Applicable din ito sa mga social media memes or quote cards na may larawan ng isang pulitiko o personalidad. Bago ka mag-react, alamin mo muna kung talaga bang sinabi ito ng taong nasa post. Hanapin mo ang source kung saan o kailan ito sinabi.
Kasama rin sa paghahanap ng supporting sources ang pagkakaroon ng wisdom sa kung sino ba ang kokonsultahin. Hindi ka naman lalapit sa nagbebenta ng kwek-kwek para bumili ng kotse, ’di ba? Ganun din sana tayo sa mga balita at information na binabasa natin.
Kung tungkol sa mental health, kumonsulta sa mental health specialists.
Kung tungkol sa isang virus o pandemya, maniwala lang sa mga infectious disease expert.
Kung tungkol sa Bible at theology, magtanong sa mga nag-aral nito.
Kung may tanong ka sa anumang bagay at may kakayahan kang makakuha ng impormasyon mula sa mga eksperto, gawin mo. Sila kasi yung nakapag-aral nang mabuti patungkol sa isa o higit pang mga subject.
Malalaman mo rin kung credible ang source mo kung naglalaman nito ng impormasyon mula sa mga tunay na eksperto. Dahil kung ang nabasa mo ay kung kani-kanino lang nanggaling, most likely haka-haka lang ’yan o conspiracy theory.
Pangatlo, basahin mo yung mismong article, hindi lang yung title o headline.
Ang problema kasi sa marami sa atin, makabasa lang ng caption, excerpt, at juicy headline, share agad.
Tandaan, may mga sources na sinasadyang gumawa ng controversial na headline or caption para mas maraming magbasa, mag-share, o mag-click. “Clickbait” ang tawag doon, at misleading ito kung hindi mo babasahin nang buo ’yung article mismo.
Pang-apat, check the date.
Hindi lamang pagkain ang napapanis, pati na rin ang balita.
Bago mo paniwalaan ang mga post tungkol sa class suspension, lockdown, o announcement mula sa gobyerno, i-check mo muna kung kailan ba ito originally pinost o sinulat.
Minsan, legit naman ang source at tama naman ang impormasyon, pero dahil hindi muna natin chineck ang date, naging source na tuloy tayo ng misinformation dahil panis na pala yung balita.
At pang-lima, check the writing format.
Pansinin mo ang pagkakasulat ng headline, link, o ng mismong article:
Sobra-sobra ba ang paggamit sa mga punctuation mark at exclamation point!?!?!?!!
May pagka-j3j3m0n ba ang pagkAk4sulaT?
PARA BA ITONG GALIT AT NANINIGAW DAHIL LAGING MAY ALL CAPS?
Tama naman ba ang grammarizationism ng article? Does they agree?
May mga websites na sadyang gumagamit ng ilan sa mga ito para makakuha ng atensyon at mag-udyok ng emosyon sa mga mambabasa.
Sa tamang grammar naman, this somehow indicates the credibility and professionalism of the source. All legitimate news sources have their own editors. (Kami nga sa enc.ph, may mga editors din eh. Paano pa kaya ang mga news outlets at mas malalaking websites na araw-araw nagbabalita?)
Sa panahon natin ngayon, hindi na rin minsan madali na i-distinguish ang totoo sa hindi. Kaya mas okay na hindi lang common sense ang paganahin kundi pati na rin ang critical thinking skills natin.
Check your biases, dahil minsan nakakaapekto yun sa pagpili natin ng paniniwalaang source at balita. Mag-aral at magbasa. Huwag mag-settle sa isang panig lang na pinakikinggan. Magtiwala sa mga eksperto.
Kung magiging mas mapanuri lamang tayo at kung matutulungan natin ang ibang tao na maging mapanuri, kokonti ang maloloko ng mga kasinungalingang kumakalat sa internet.