April 15, 2019
Anak,
Panahon na naman ng pagtatapos, at nagkalat na naman sa social media ang mga litrato ng mga magtatapos. Masaya Ako para sa kanila dahil alam kong pinagpaguran nila ito.
Pero alam Ko rin na sa panahong ito, hindi lang kuwento ng tagumpay ang mayroon. Mayroon ding mga nabigo. Ginawa naman nila ang lahat, pero hindi pa rin sila umabot.
Marahil isa ka sa mga ito.
Gusto Ko lang sabihin sa’yo na hindi lingid sa kaalaman Ko ang mga luhang iniiyak mo dahil dito. At gusto Kong ipaalam na hindi kita malilimutan; nandito Ako para damayan at palakasin ka.
Maaring nabigo ka ngayon, pero huwag kang sumuko.
Ako ang nagsimula ng mabubuting plano para sa’yo. Ako rin ang magbibigay katuparan sa lahat ng mga ito (Filipos 1:6). Hindi ito ang katapusan ng iyong buhay, at hindi pa Ako tapos sa iyo.
Manatili kang nakakapit sa Aking mga pangako. Hindi kita iiwan; hindi tatalikuran (Mga Hebreo 13:6). Panghawakan mo ang sinabi Ko. Alam Ko ang mga plano at hangarin Ko para sa buhay mo (Jeremias 29:11); narito Ako para bigyan ka ng buhay na matagumpay (Juan 10:10).
Eh ano ngayon kung madadagdagan ka pa ng isang taon sa pag-aaral? Ako ang iyong Ama na magbibigay ng pangangailangan mo. At sa pagharap mo sa panibagong taon, Ako ang magbibigay ng lakas sa’yo. Kasama mo pa rin Ako.
Kailan ba kita iniwan at pinabayaan?
Hindi mo na kailangang parusahan pa ang sarili mo, dahil sinalo Ko na ang lahat ng sisi at parusa para sa’yo.
Sa mga pagkukulang at pagkakamaling ito, may mga bagay Akong itinuturo para mas patatagin ka. Pagdaanan mo lang ‘yan nang kasama Ako, dahil Ako ang bubuhat sa’yo.
Anak, natural lang ang mapagod, at pwede kang magpahinga sa Akin. Sa akin mo mahahanap ang totoong kapayapaan. “Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa Akin at bibigyan Ko kayo ng kapahingahan.” (Mateo 11:28)
Sa iyong pagpapahinga sa akin, bibigyan kita ng panibagong lakas para magpatuloy (Isaias 40:31).
Hindi mababago ng isang pagkabigo ang lahat ng mga bagay na inihanda Ko para sa’yo.
At mawalan ka man ng pananampalataya, hindi ako bibitaw (2 Timoteo 2:13). Balang araw, makikita mo kung papaano Ko tutuparin ang mga pangarap na inilagay Ko sa puso mo. Ako ang bahala, anak. Sagot kita.
Mananatili akong Ama sa’yo at hindi magbabago ang pagiging anak mo sa Akin. Mabigo ka man nang paulit-ulit, hindi magbabago ang pagtingin Ko sa’yo.
Anak kita, at handa akong tulungan ka. Ang pagmamahal Ko sa’yo ay hindi kayang sukatin ng anumang marka, at hindi rin ito kayang baguhin ng anumang kabiguan o kamalian sa buhay. Walang makapaghihiwalay sa Aking pagmamahal mula sa’yo (Mga Taga-Romeo 8:35–39).
Palagi mong tandaan na kasama mo Ako kahit kailan. Hindi ka nag-iisa. Kasama mo Ako sa tuwing umiiyak ka. Balang araw, sa pag-akyat mo sa entablado, nakangiti Akong pumapalakpak para sa’yo.
Anak, mahal na mahal kita. Ipinagmamalaki kita.
Hindi pa Ako tapos sa’yo. Marami pa Akong magagandang plano para sa buhay mo. Magpursige ka lamang; huwag kang susuko. Balang araw, babaguhin mo ang mundo kasama Ko.
Nagmamahal,
Ang iyong Ama sa langit