February 11, 2019
Para sa’yo na minahal as a friend,
Ang sakit ‘no? Ginawa mo naman ang lahat para mahalin ka niya, pero wala pa rin.
Consistent ka naman sa pangangamusta, sa pagtatanong kung kumain na ba siya, at sa pakikinig sa mga kwento niya. Pinatunayan mo namang totoo ang nararamdaman mo, at hindi mo siya lolokohin gaya ng iba. Pero wala pa rin.
Akala mo, pareho na kayo ng nararamdaman. Kaya nung tina-tag ka na niya sa mga memes, pinupusuan ang mga posts mo, china-chat ka tuwing gabi, at tinatanong kung kumain ka na, umasa kang kayo na ang para sa isa’t isa.
Sa mga tropa kong babae dyan, alam kong may ganitong kuwento ka rin. Yung akala mo gusto ka niya kasi matamis ang ngitian niyo sa hallway, autoliker siya sa mga posts mo, pinagbubuksan ka niya ng pinto, at inaalalayan ka pa sa pagtawid. Kaya every day, ready ka na sa pag-amin niya. You tell yourself, “This is it! Today’s the day na aamin na siya sakin.” Sabi naman ng ate mo, “assume pa more, ‘teh!”
Kaya bilang lalaki, nilakasan mo ang loob mo at buong tapang na sinabi sa kanyang mahal mo siya . . .
At bilang babae, umasa ka sa next move niya . . .
Laking gulat mo nang sabihin niyang mahal ka niya . . . as a friend—or as a brother/sister in Christ, pareho na din yon.
Cue song: Kaibigan lang pala
Ang sakit no’n, men! Alam kong masakit ‘yon, kasi nanggaling din ako do’n. ‘Yung akin nga, best friend ko nang mahigit sampung taon eh. Nung nagkaroon ng pagkakataong maging kami, akala ko panghabang-buhay na. Heto na kami ngayon: kasal na siya sa iba; at ako naman, naghihintay maging ninong ng magiging anak niya. (Gusto mo ‘yon?)
Pero alam mo, okay lang yan. Sa totoo lang, wala namang masama sa pagiging friend-zoned eh. Marami tayong pwedeng matutunan sa friend-zone tungkol sa mga relasyon at pag-ibig.
Sa friend-zone ko natutunang magmahal nang walang kapalit. Ang pagkakaibigan marahil ang isa sa pinaka-pure na uri ng pagmamahal. Ang isang tunay na kaibigan ay mananatiling kaibigan anuman ang mangyari—kasama mo sa saya at kalungkutan, sa hirap at ginhawa, sa pagod at pahinga. Ang isang kaibigan ay nagmamahal nang walang hinahangad na kapalit—walang demands, expectations, o hidden charges.
Ang pagiging kaibigan ay isang karangalan, dahil ibig sabihin no’n pinagkakatiwalaan ka. Kaya kung na-friend-zone ka, maging proud ka!
Ipagmalaki mo sa Facebook! (Haha!) Isa kang mandirigma ng pag-ibig na patuloy lumalaban para ipakitang ang tunay na pag-ibig ay handang magmahal, kahit as a friend pa ‘yan!
Sa friend-zone ko natutunang maghintay sa tamang panahon. May tamang oras at panahon para sa mga bagay-bagay sa mundo (Ecclesiastes 3:1). Kasama na dito ang oras para sa pag-ibig at relasyon. Mas masaya at mas masarap ang isang bagay kapag nangyayari ito sa tamang panahon. Tignan mo na lang ang prutas: kung pinitas ito nang wala pa sa tamang panahon, mapakla ang lasa no’n!
Saan ba nagsisimula ang pagmamahalan? Hindi ba’t sa tunay na pagkakaibigan? Huwag mong madaliin ang proseso. Respetuhin mo lang. Hayaan mong mag-enjoy kayo sa pagiging magkaibigan; pagkakaibigang walang hidden agenda, walang masamang balak, at walang ninja moves na nagaganap. Malay mo balang araw, kapag nahinog na kayo ng panahon bilang mga indibidwal, maaaring magbunga ang pagkakaibigan niyo ng tunay na pagmamahalan.
Kaya tigilan mo ang pagmumukmok. Tigilan mo na ang mga hugot sa Twitter at ang pag-post ng kung anu-anong status sa Facebook.
Kung minahal ka as a friend, then be that friend who loves at all times. Offer the best kind of friendship—and I think that’s beautiful, ika nga sa memes.
Nagmamahal as a friend,
Your friend-zoned buddy