Para Sa Mga #Cancelledt

RB Cabutin

September 17, 2020

Kamusta ka?

Malamang ang sasabihin mo, “Eto, okay lang.” Yan naman palagi ang automatic na sagot sa tanong na yan.

Pero, matapos ang lahat ng pinagdaanan mo sa social media, okay ka lang ba talaga?

Marahil ay isa ka sa libu-libong biktima nito:

#CancelCulture.

Uso yan sa social media ngayon. Wala itong sinasanto; walang pinapalagpas. Lahat pwedeng ma-cancel. 

Isang maling Facebook status.

Isang maling galaw sa TikTok.

Isang malabong tweet na na-misunderstand.

Lahat naman tayo, nagkakamali. Pero sa panahon ngayon, kapag natyempuhan ka ng video o screenshot, yari ka. Malaki ang posibilidad na pagpipiyestahan ang pagkakamali mo sa Facebook o Twitter.

Dahil sa panahon ngayon, ang social media ay para bang judge, jury, at executioner. Kadalasan, hindi patas ang parusa sa nagawang pagkakasala.

Narinig mo na rin ba ang mga salitang ito? Plastik. Salot. Basura.

“Pakitang tao lang yan!”

“Sinasabi niya lang yan kasi napahiya na siya.”

“Mamatay ka na! Wala kang ambag sa mundo!”

Kadalasan, hindi na natin alam kung batas at pananagutan pa ba ang hinihingi, o sadyang kinain na lang tayo ng pagkamuhi sa mundo. 

Kung pakiramdam mo ay katapusan mo na, at kung ang ipinaparamdam sa’yo ng lahat ay para bang wala ka nang pag-asa pang makabangon, narito kami para sabihin sa’yong may pag-asa pa.

Dahil kagaya mo, meron isang lalake sa Bibliya na pinagdaanan din ang pinagdadaanan mo.

Siya ay si Zacchaeus.  

Ang ibig sabihin ng pangalan niya ay pure.”

Ngunit para sa mga taong nakakakilala sa kanya, siya ang kabaligtaran ng salitang ito. May dahilan naman sila para paniwalaan ito, dahil pinili niyang mamuhay sa pang-aabuso sa iba, panloloko sa kapwa, at pagiging sakim sa pera. Pinili niyang talikuran ang pamilya, mga kaibigan, at ang buong lahi nila para sa pansarili niyang kapakanan.

Kaya, sa pagtalikod nya sa lahat ay tinalikuran din siya ng lahat—kaibigan, pamilya, lipunan. #Cancelled.

Gayunpaman, sa pagtalikod sa kanya ng buong mundo, may bukod tanging hindi tumalikod sa kanya.

Sa pagtalikod sa’yo ng mga tao—minsan, maging ng sariling mga kaibigan mo—may isang nangako na hinding hindi ka iiwan at tatalikuran.

Siya si Hesus.

Dahil nung isang araw na nagkita si Hesus at si Zacchaeus, nagulat ang lahat sa mga nangyari:

“Zacchaeus, bumaba ka dyan, bilis. Kailangan ko kasing mag-stay ngayon sa bahay mo,sabi ni Hesus.

Marahil ay nagulat si Zacchaeus. “Kilala niya ko? Alam niya ang pangalan ko? At pupunta siya sa bahay ko?” 

Sa unang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon, may handang makinig sa kanya at gustong makasama siya. At sa kabila ng galit at pagdududa ng mga tao, hindi nagpaawat si Hesus.

Tinawag niya si Zacchaeus.

Tinanggap, pinakinggan, at binago niya si Zacchaeus.

Higit sa lahat, minahal niya si Zacchaeus.

Ano nga kaya ang pakiramdam na ipaglaban ka kahit tinalikuran ka na ng lahat?

Sa ganitong klase ng pagmamahal, mapapa-“Sana All”  ka na lang talaga.

Sana all minamahal.

Sana all pinapatawad.

Sana all hindi bina-bash.

Ang totoo nyan, walang exempted sa pagmamahal na ‘to. Sa kabila ng lahat ng pagkakamali mo, hindi ka exempted sa pagmamahal na ito. Sa kabila ng galit sa’yo ng buong mundo, hindi ka exempted dito.

Mahal ka. Mahalaga ka. 

Ito ‘yung klase ng pagmamahal na yayakap sa’yo kahit nandidiri ka na sa sarili mo. Ito ‘yung klase ng pagmamahal na tatawag sa pangalan mo at hindi sa label na ibinigay sa’yo dahil sa mga pagkakamali mo.

Ito ‘yung klase ng pagmamahal na dadamay sa’yo sa tuwing wala kang makausap kahit na libu-libo ang friends mo sa Facebook.

Siguro minsan naiisip mo, “Ano nga ba ang nagawa kong tama para mahalin Niya pa rin ako nang ganito?” 

Wala. 

Wala kang ginawa para i-deserve ang pagmamahal na ‘to. Mahal ka lang Niya talaga.

At wala ka ring magagawa para pigilan Siyang mahalin ka. Mahal ka lang Niya talaga, sa kabila ng mga pagkakamali mo.

Dahil para sa Kaniya, hindi galit at sindak ang makapagpapabago sa tao, kundi pag-ibig. Ito yung pag-ibig na bumago kay Zacchaeus. Ito yung pag-ibig na naranasan at nagpabago sa napakaraming tao sa Bibliya na kagaya nating lahat: makasalanan, marumi, cancelledt.

Hindi ka man mapatawad ng lahat, gusto kong malaman mo na napatawad ka na Niya.

Ang pwede mong gawin ay tanggapin nang lubos ang pagmamahal na ito. Hindi man patas ang naging pagtrato sa’yo dahil sa naging pagkakamali mo, hindi rin patas itong pagmamahal na handang sumalubong sa iyo.  

Ang pagmamahal ng Diyos para sa’yo ay hindi lang sobra. Ito’y sobra pa sa sobra.

Habang pilit kang nilulunod ng mundo sa galit, mura, at panlalait, piliin mong malunod sa pagmamahal ng Diyos para sa’yo.

Dahil para sa Kaniya, hindi ka #cancelled. Ikaw ay #fullyknown yet #fullyloved.

Huwag kang susuko. Mahal ka. Mahalaga ka.

 

 

631 Shares

The Author

RB Cabutin

RB Cabutin is a Journalism graduate from the Polytechnic University of the Philippines. He surrendered his life to Christ when some of his activist friends shared the Gospel to him. They are now in different churches but still serving one God. RB knew he wanted to go fulltime ministry when he understood that long-lasting change in this nation would start in discipling the next generation. He serves as one of the campus missionaries of EN Campus Metro East.

VIEW OTHER POSTS BY THE AUTHOR