May 19, 2020
Pagod ka na ba sa maraming pagbabago?
Pagod ka na ba sa biglaan?
Pagod ka na ba sa dami ng adjustments na kailangan mong gawin?
Pagod ka na bang umasang matatapos na rin ang quarantine, ngunit palagi pa ring nabibigo?
Sa dami ng pagbabago at pagkabigo, marahil ay napapatanong ka, “May pag-asa pa ba akong masisilayan, kahit na mukhang wala na?”
Marahil ay marami ka nang “kahit na” moments with God sa panahon ngayon.
Lord, will I still have a future kahit na mukhang di ako makakapag-aral ngayong taon? Kahit na wala nang pera para sa tuition? Kahit na hirap na hirap na ako sa online classes at tambak na ang requirements?
Lord, will my family survive kahit na walang-wala na kaming pera ngayon? Kahit na araw-araw may nag-aaway sa bahay? Kahit na ang sakit na mawalan ng mahal sa buhay dahil sa pandemic?
Lord, am I still loved kahit na hindi ako pinapansin sa bahay? Kahit na malayo ako sa mga kaibigan ko? Kahit na nagtatampo at nagdududa na ako sa ’Yo? Kahit na paulit-ulit akong lumalayo sa ’Yo dahil sa kahihiyan ko sa mga kasalanan ko?
Sa gitna ng mga tanong na ito, God assures us, “Kahit pa anong mangyari—My power, My love, and My promise remain the same.”
“Mananatili Akong makapangyarihan. Hawak ko, hindi lang ang buhay mo, hindi lang ang buong mundo, kundi ang buong kalawakan. Mananatiling talunan ang kasalanan at kamatayan sa pamamagitan Ko.” (Colossians 1:17,18; Hebrews 1:10–12; 1 Corinthians 15:57)
“Mananatili Akong mapagmahal. Oo, sa ’yo, kahit pa ilang beses mo Akong talikuran, mananatili Akong nagmamahal at tapat sa ’yo. Oo, sa buong mundo, kahit na sinasarado nila ang puso nila sa Akin, hinihintay Ko pa rin manumbalik ang bawat isa sa Akin.” (Jeremiah 31:3; 2 Timothy 2:13; 2 Peter 3:9)
“Mananatili Akong tapat sa Aking mga ipinangako. Hindi Ako nahuhuli at hindi nagbabago ang isip Ko kahit na nagbabago ang mga sitwasyon o ang puso mo. Mayanig man ang lahat sa paligid mo, hindi Ako matitinag o magugulat. Magbago man lahat ng plano mo sa iyong buhay, ang plano Ko para sa ’yo at sa mundo ay mananatili hanggang sa mga susunod na henerasyon.” (2 Peter 3:9; James 1:17; Hebrews 12:27,28; Psalm 33:11; Proverbs 19:21)
“Kaya, Anak Ko, panghawakan mo ang pag-asa, hindi sa tao, hindi sa sitwasyon, hindi sa sarili mong kakayanan. Umasa ka sa Akin—na Ako ay mananatiling Ama na nagmamahal sa ’yo, Panginoon na namamahala sa lahat, at Diyos na tapat sa buong mundo.”
“. . . even to your old age I am he, and to gray hairs I will carry you. I have made, and I will bear; I will carry and will save. To whom will you liken me and make me equal, and compare me, that we may be alike?”
Isaiah 46:4,5
Ito ang pangako ng Diyos sa atin. Hindi Siya magbabago, at mapapagkatiwalaan natin Siya. Kapit lang tayo sa Kanya at sa Kanyang salita. Malalagpasan natin ang kahit anumang sakuna kasama Siya.
(Photo by: Liam Teves)