August 16, 2021
Hulyo 26, 2021—Isang gabi sa Tokyo, makikita si Hidilyn Diaz na naglalakad papasok sa platform para sa final round ng weightlifting event sa Olympics 2020. Sa kanyang harapan ay ang 127-kg barbell na kanyang bubuhatin.
“One motion,” bigkas ni Hidilyn.
Hingang malalim. Mga kamay ay nasa barbell na. Tinipon ni Hidilyn ang lahat ng kanyang lakas at buong pusong binuhat ang barbell.
Ilang sandali lang at . . .
“Philippines! The wait is over! The gold is yours!”
Tila tumigil ang mundo nang ideklara ito ng commentator. Ang sarap pakinggan sa tenga ng mga salitang ito.
Naiyak na rin si Hidilyn dahil nagtagumpay siyang makuha ang gintong medalya at magset ng bagong Olympic record sa women’s 55kg weightlifting competition. Kahit sino siguro ay maiiyak dahil ito lang naman ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa kasaysayan!
Nag-alab din ang pusong makabayan ng marami nang patugtugin ang Lupang Hinirang sa podium ceremony for the first time after 97 years. Imagine, 97 years ang ating hinintay para sa pagkakataong ito.
At hindi lang d’yan nagtapos ang ating historical olympic performance, dahil nag-uwi rin tayo ng tatlo pang medalya galing sa ating boxing team: dalawang silver medals mula kay Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at isang bronze medal naman ang napanalunan ni Eumir Marcial.
Sa mga pagkakataong ito talaga masarap isigaw sa buong mundo ang mga katagang “Proud to be Filipino!”
Isang malaking karangalan na maging kinatawan ng ating bansa para sa isang prestihiyosong patimpalak tulad ng Olympics. Kaya naman sa pagsubaybay ko ng Olympics ngayong taon, hindi ko rin maiwasang maisip na hindi biro ang buhay ng isang atleta.
Kakaibang hirap ang kailangan nilang pagdaanan. Matinding sakripisyo at determinasyon ang kinakailangan sa bawat laban. Kabi-kabilang pasakit rin sa katawan ang nakukuha nila dahil sa maraming taon ng pag-eensayo.
Pero sa kabila ng lahat nang ito, ibang klaseng dedikasyon at puso pa rin ang ipinapamalas nila sa gitna ng laban.
Lahat naman talaga ng tagumpay ay hindi madaling makamit at kinakailangang paghirapan. Alam na alam ito ng kahit sinong manlalaro.
Naaalala ko pa ’yung unang taon ko sa field bilang campus journalist noong high school. Sa pag-cover namin ng Municipal at Provincial Meets, nasaksihan ko ang determinasyon ng mga atleta.
Nagugulat ako sa klase ng training at disiplina na mayroon sila. Minsan, may mga atletang sa venue na natutulog at nag-eensayo. Ang iba rin ay hindi iniinda ang kakulangan sa kanilang gamit. Ang importante sa kanila ay ang makapag-compete at magkaroon ng pagkakataong makapag-uwi ng karangalan.
Hindi na pala bago ang mga ganitong sakripisyo sa ating mga atleta.
Ilan sa ating mga Filipino Olympians ay nagsimula sa pagkakaroon ng pangarap na makatulong sa kanilang pamilya. Ginawa nila itong mapa upang makarating kung nasaan man sila ngayon. Ang iba sa kanila ay nagsimulang magsanay sa murang edad pa lang. Dugo’t pawis din ang kanilang naging puhunan. Bawat sugat, pilay, at pasa ay may kwento.
Sa huli, pinatunayan ng ating mga atleta na posibleng magpatuloy kahit mahirap kapag may puso kang determinado na magtagumpay.
Hinahangad ng ating mga atleta ang makapag-uwi ng karangalan para sa ating bansa. Kaya sa tuwing sasapit na ang laban, handa silang ibigay ang kanilang 100% kahit anuman ang mangyari.
Hindi man lahat ng ating delegado ay nagtagumpay na makapag-uwi ng medalya, ang kanilang tiyaga at paghihirap para makarating sa Olympics ay isa na ring maituturing na panalo para sa ating bansa.
Ika nga nila, ang ating mga atleta ay isa sa mga makabagong bayani ng ating panahon; mga bayaning hindi na kinakailangang magbuwis ng kanilang buhay para iwagayway ang ating watawat at maipamalas ang kanilang pagmamahal sa bayan.
Hindi rin maikakaila ang spirit of sportsmanship sa ating mga manlalaro. Nag-viral pa nga si Margielyn Didal dahil sa positive attitude nito na all-smiles at makikitang chini-cheer ang kanyang mga kalaban matapos itong mag-7th place sa skateboarding.
Parang isang cultural reset ito. Sa isang kompetisyong matindi ang pressure, ang sayang makita na sinusuportahan ng mga manlalaro ang isa’t isa, iba-iba man ang bansang kanilang kinakatawan.
Isa lang ang sigurado akong nagbubuklod sa kanila: ang pusong nais lumaban para sa kanilang bayan.
Sa interview kay Hidilyn matapos niyang makapagtala ng bagong Olympic record, isa sa paulit-ulit nitong sinabi ay, “Thank You, Lord. Grabe si God. Kakaiba si God.”
At sa ibang interviews sa ating mga manlalaro, patuloy nilang ibinabalik lahat ng papuri sa Diyos, manalo man o matalo.
Sa larangan ng palakasan kung saan nakasentro ang lahat sa kakayahang pisikal at mental ng isang manlalaro, nakakataba ng pusong marinig mula sa ating mga atleta na ang tanging dahilan pa rin ng kanilang kalakasan ay ang Panginoon, na ang abilidad nilang lumaban sa kabila ng kaba, takot, at pagod ay dahil sa Kanya na patuloy na gumagabay sa kanila.
Nakatutuwang malaman na ang mga atleta natin sa henerasyon ngayon ay determinado, may puso para sa bayan, at may pananalig sa Diyos. Buhay na buhay ang pag-asa ko na marami pa ang susunod sa mga yapak nila.
Kaya para sa bawat atletang Pilipino:
Maraming salamat sa karangalang ibinigay ninyo sa bansa. Ang bawat tagumpay na nakakamit ninyo ay tagumpay ng lahing Pilipino. You made us all proud! Magsisilbi kayong inspirasyon upang tayong lahat ay magpatuloy sa laban ng buhay.
Para sa ating lahat:
Hindi man tayo mga atleta na may kakaibang lakas para manalo sa mga patimpalak, lahat naman tayo ay humaharap sa iba’t ibang pagsubok at hamon ng buhay. May mga araw na panghihinaan tayo ng loob at may mga araw na gusto na nating sumuko.
Sa pagharap natin sa araw-araw, magkaroon din sana tayo ng pusong katulad ng sa mga atleta: Pusong determinadong lumaban dahil patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng panibagong kalakasan tuwing dumudulog tayo sa Kanya.
Masabi rin nawa natin ang mga katagang binigkas ni Pablo sa dulo ng ating pakikipaglaban:
Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.
2 Timoteo 4:7–8 (MBB)